Sekyu ng hotel niratrat habang naka-duty
CAVITE, Philippines — Kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan ang isang guwardya ng isang hotel makaraang pagbabarilin ng ‘di nakilalang suspek habang naka-duty ang una sa San Francisco, Gen Trias City, kamakalawa ng gabi.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan at paa ang biktima na kinilalang si Nilo Martinez, civilian guard ng hotel at residente ng Brgy. San Francisco, Gen. Trias City, Cavite.
Hindi naman nakilala ang suspek na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril. Nakasuot ito ng green jersey, itim na helmet half face at sakay ng Mio i black na may puting mags.
Sa ulat ng pulisya, alas-10:20 ng gabi ng maganap ang insidente kung saan naka duty ang biktima bilang civilian guard ng hotel sa Arnaldo Highway ng nasabing lugar.
Dumating umano ang suspek sakay ng motor at pagbaba nito ay agad nilapitan ang biktima at sunud-sunod na pinagbabaril bago mabilis na tumakas.
Agad namang naitakbo ang biktima sa Gen. Trias Doctors Hospital na kasalukuyan pa ring nasa maselang kondisyon dahil sa tinamong sugat sa pamamaril.
- Latest