2 sugatan sa hazing sa ‘30-Second Massacre’ sa Cavite

NOVELETA,Cavite, Philippines — Dalawang lalaki ang naospital matapos masagip mula sa marahas na hazing ritual na tinaguriang “30-Second Massacre”.
Ayon kay Police Major Sandie Caparroso, hepe ng Noveleta Municipal Police Station, isinagawa ang initiation rites sa isang bakuran sa Barangay San Rafael Tres, kung saan higit 50 kalalakihan ang naabutan ng mga otoridad.
Sampu sa kanila ang naaresto, kabilang ang apat na menor-de-edad.
Sa video na nakuha ng mga pulis, makikita ang isa sa mga biktima na pinalibutan ng mga miyembro ng grupo at sabay-sabay na pinagsusuntok at pinagtatadyakan habang malakas na binibilang ang 30 Segundo—isang bahagi ng hazing ritual na tinatawag ng grupo bilang “30-Second Massacre.”
“’Yung tinatawag nila na ‘30-Second Massacre,’ kung saan pipili sila ng sasaling miyembro at bugbugin siya sa loob ng tatlumpung segundo,” paliwanag ni Caparroso.
Sa inisyal na imbestigasyon, kinumpirma ng pulisya na hazing at hindi simpleng pagtitipon ang naganap, taliwas sa paliwanag ng ilan sa mga miyembro na ito ay isang “binyag” o “community service” gaya ng feeding program.
Ang anim sa mga naarestong nasa tamang edad ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law (RA 11053), habang ang apat na menor-de-edad ay isinailalim na sa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa mga barangay at paaralan upang pigilan ang pagre-recruit ng kabataan sa ganitong uri ng grupo.
- Latest