Trabahador sa perya, nilamon ng lupa
MANILA, Philippines — Patay ang isang 25-anyos na lalaki makaraang aksidenteng matabunan ng lupa sa naganap landslide sa Brgy. Bunao, Tupi, South Cotabato nitong Martes ng hapon.
Sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, ang nasawi na trabahador sa perya na taga Laguilayan, Isulan, Sultan Kudarat.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente, alas-2:00 ng hapon sa Sitio Bagong Buhay, Brgy. Bunao, Tupi ng lalawigang ito.
Ayon kay Emil Sumagaysay, Chief ng MDRRMO, ang landslide ay sanhi ng malalakas na pag-ulan na nararanasan sa lugar at bunga nito ay gumuho ang lupa mula sa bundok na tumabon sa nasabing biktima sa naturang peryahan.
Natagalan naman ang retrieval operation sa bangkay ng biktima dahilan kinailangan pang magpadala ng backhoe ng lokal na pamahalaan.
Bunga ng insidente ay pinalikas muna ang mga nagtatrabaho sa nasabing peryahan at maging ang mga residente na naninirahan sa paanan ng bundok upang maiwasang maulit pa ang insidente.
- Latest