Mayoral candidate lulan ng bangka niratrat: 3 patay!

MANILA, Philippines — Tatlo katao ang nasawi kabilang ang isang poll watcher habang dalawa pa ang nasugatan matapos na paulanan ng bala ang bangka na sinasakyan ng isang mayoralty candidate sa bayan ng Hadji Muhtamad, Basilan ilang oras bago ang halalan nitong Lunes.
Kinilala ang mga nasawi na sina Murasidul Abduaraham, poll watcher at mga supporter na sina Samier Allil Jamiri at Ben Akil.
Ang mga nasugatan na nakilalang sina Haber at Zaldy Alih ay isinugod naman sa pagamutan sa tinamong mga sugat sa katawan.
Bandang ala-1:45 ng madaling araw ang mga biktima ay lulan ng bangka kasama si mayoralty candidate Jamar Mansul nang paulanan ng bala ng mga armadong kalalakihan na lulan din ng bangka malapit sa Sangbay Big Island ng lalawigan.
Sa nasabing insidente, nakaligtas si Mansul na kabilang sa tatlong mayoralty candidate sa Hadji Muhtamad.
Si Mansul ay dati na ring nagsilbing alkalde ng nasabing bayan mula 2013 hanggang 2019.
Sa report ni P/Major Nursaibar Mahabdi, hepe ng Hadji Muhtamad, agad hinabol ng seaborne patrol team ng pulisya ang walong armadong lalaking suspek na nauwi sa limang minutong shootout sa pagitan ng magkabilang panig.
Nagawang makatakas ang mga suspect kabilang ang tatlong tumalon sa kanilang mga bangka.
Patuloy ang hot pursuit operations ng mga awtoridad laban sa mga suspek.
- Latest