19-anyos niratrat habang nagba-basketball
MULANAY, Quezon, Philippines — Hindi na nagawang tapusin ng isang 19-anyos na binata ang paglalaro nito ng basketball matapos siyang pagbabarilin ng hindi nakikilalang lalaki sa loob ng covered basketball court sa Sitio Gapang, Barangay Ilahang Yung sa bayang ito, kamakalawa ng Hapon.
Ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan ay kinilalang si “Joel, “construction worker at residente sa naturang Barangay habang inilarawan ng mga saksi ang suspek na nakasuot ng kulay brown na tshirt at may malong na nakapulupot sa kanyang leeg.
Base sa imbestigasyon ng Mulanay PNP, bandang alas-4:00 ng hapon ay nakikipaglaro ng basketball ang biktima sa kanyang mga kaibigan nang lapitan ito ng suspek at walang kaabog-abog na binaril.
Bagamat may tama ay nagawang tumayo at tumakbo ng biktima subalit hinabol ito ng suspek at makailang beses pang pinaputukan.
Nang matiyak na patay na ang biktima ay mabilis na tumakas ang salarin patungo sa bulubunduking bahagi ng barangay.
- Latest