31 PAGs, supporters ng magkalabang kandidato, timbog sa Abra
MANILA, Philippines — Nasakote ng mga elemento ng militar ang 31 armadong indibidwal na hinihinalang Private Armed Groups (PAGs) at supporters ng magkalabang kandidato sa isinagawang operasyon sa Brgy. Laskig, Pidigan, Abra kamakalawa.
Sa report, sinabi ni Major Al Anthony Pueblas, spokesman ng AFP-Northern Luzon Command, bago ang operasyon ay nakatanggap sila ng tip mula sa mga concerned citizen nitong Mayo 10 hinggil sa presensya ng mga armadong supporters ng magkalabang kandidato sa lalawigan na gumagala sa nasabing bayan.
Ang pinaigting na kampanya laban sa mga armadong grupo at loose firearms ay ipinag-utos ni AFP-NOLCOM Chief Lt. Gen. Fernyl Buca para tiyakin ang seguridad sa gaganaping lokal at nasyonal na halalan ngayong Mayo 12.
Agad namang nagresponde ang tropa ng Armys Special Operations Command Trident North at Army’s 501st Infantry Brigade at unang naharang ang anim na behikulo at dito’y nasakote ang 10 armadong katao na nakumpiskahan ng apat na M16 rifles, isang Bushmaster rifle at limang cal.45 caliber pistol.
Sumunod namang naaresto ang 21 pang armadong kalalakihan na nakumpiskahan ng mga cal. 45 pistols.
Ayon kay Pueblas, ang mga nasakote ay isinailalim na sa kustodya ng Pidigan Municipal Police Station kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon at paghahain ng kasong kriminal.
- Latest