2 lalaki nalunod habang nagsu-swimming sa Rizal
MANILA, Philippines — Dalawang lalaki ang patay nang kapwa malunod habang nagsu-swimming sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Rizal, nabatid nitong Miyerkules.
Ang mga biktima ay kinilala lang sa mga alyas na “Lyndon”, 27, ng Brgy. San Luis, Antipolo City, at “Ariel”, 18, college student, ng Pasong Tamo, Quezon City.
Batay sa ulat ng Binangonan Municipal Police dakong alas-11:10 ng umaga nitong Martes, na nalunod si Lyndon sa isang lawa, tabi ng M2 Fishpond, sa Brgy. Ithan, sa Binangonan dakong alas-2:20 ng hapon ng Abril 28.
Ayon sa testigo, bago ang pagkalunod ay nakita pa nilang natutulog ang biktima sa isang duyan, sa ibabang bahagi ng kubo. Hinihinalang nahulog ang biktima sa duyan at tuluy-tuloy na dumausdos sa lawa na kanyang ikinalunod.
Samantala, sa ulat ng Rodriguez Municipal Police, si Ariel ay nalunod dakong alas-6:25 ng gabi ng Abril 16, ngunit naiulat lamang ito sa kanilang tanggapan dakong ala-1:20 ng hapon ng Martes.
Lumalabas na nagkayayaan ang biktima at anim niyang kaibigan na pawang college students na mag-inuman at mag-swimming sa ilog sa Sitio Wawa, Brgy. San Rafael, Rodriguez. Gayunman, habang naliligo, sumabay sa mga kaklase na tumalon ang biktima na hindi marunong lumangoy hanggang sa hindi na siya lumutang. Kaagad siyang hinahap ngunit wala na siyang buhay nang makita habang nakalubog sa ilalim ng ilog.
- Latest