Simbahan pinad-lock sa ‘illegal recruitment’
MANILA, Philippines — Isinara ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang simbahan sa Baras, Rizal dahil sa diumano’y ilegal na pagre-recruit ng mga manggagawa patungong Japan, Korea, at Papua New Guinea.
Ayon kay DMW Undersecretary Bernard Olalia, ang unang mga biktima ng recruiter ay mga parokyano ng simbahan.
“Meron mga na-offload, dahil may mga nagrereklamo at kasalukuyan din sinisingil kahit walang authority, base sa kumpirmasyon mula sa mga complainant,” ani Olalia.
Sinabi ng NBI na ang recruiter ay naningil sa mga biktima ng P50,000 para sa processing fees at dokumento sa ilalim ng pagkukunwari ng community work.
“May mga natanggap tayong impormasyon as we speak, may mga biktima na nakapunta sa ibang bansa at sila po’y walang trabaho na nadatnan,” ani Czar Eric Nuqui, hepe ng National Bureau of Investigation Cavite North District Office.
Ang recruiter ay nangakong magbibigay ng trabaho tulad ng factory work, tea picking, clerical work, accounting, mechanical engineering, at construction work na may suweldo mula P36,000 hanggang P120,000.
Ang mga biktima ay binigyan ng tourist visa at inutusan umanong sabihin sa Immigration na sila ay mga missioners. May mga na-offload, na-deploy, o naghihintay pa ng deployment.
Hinikayat ng DMW ang ibang biktima na mag-ulat sa ahensya sa pamamagitan ng opisyal na hotline nito +63 2 8721-0619, email [email protected], o Facebook page para sa tulong sa paghahain ng reklamo.
- Latest