10-anyos na totoy nadikitan ng dikya, patay!

SIRUMA, Camarines Sur, Philippines — Patay agad ang isang 10-anyos na batang lalaki habang patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang kasamang isa pang bata matapos kapitan sila ng makamandag na dikya habang nagsu-swimming sa karagatang sakop ng Brgy. Penitan, Siruma, Camarines Sur kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ang nasawi na si alyas “Mark” habang inoobserbahan pa ang lagay ni Xian, 10-anyos, kapwa residente ng bayan ng Sipocot ng lalawigang ito.
Sa ulat, kasama ang kanilang mga kamag-anak at nagsu-swimming ang mga biktima sa isang beach resort ng naturang lugar.
Dakong alas-12:30 ng tanghali habang nasa kasarapan ng paliligo ang karamihan ng biglang nagsisigaw at humingi ng saklolo sina Mark at Xian. Agad silang pinuntahan ng mga residente at doon nakitang nadikitan ang mga biktima ng dikya sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Walang malay na naihaon si Mark sa dagat kasama si Xian at mabilis silang dinala sa Siruma Municipal Hospital pero hindi na umabot nang buhay ang una. Inilipat naman sa Bicol Medical Center sa Naga City si Xian dahil sa maselang lagay nito.
Bunsod nito, nagbabala ang mga otoridad sa mga beach goers ng bayan na mag-ingat dahil sa nakitang presensya ng mga makamandag na jellyfish sa dagat.
- Latest