Team Paulino sa Olongapo, pinadidiskuwalipika
OLONGAPO CITY, Philippines — Sinampahan ng disqualification case sa tanggapan ng Commission on Election (Comelec) ang kampo ni incumbent Mayor Rolen Paulino Jr. kaugnay sa lumabas na video na nakunan sa isang mall sa lungsod ang pamimigay sa publiko umamo ng ayuda noong Huwebes at Biyernes Santo.
Matatandaan na una ng nagpaalala ang Comelec sa mga kandidato na mahigpit na ipinagbabawal ang anumang aktibidad o pangangampanya sa dalawang araw na binanggit bilang bahagi ng paggunita sa Semana Santa alinsunod sa Comelec Resolution No. 10999
Unang naghain ng disqualification case si City Councilor Kaye Ann Legaspi na tumatakbong Vice Mayor na kung saan ay una siyang nagbigay ng pahayag sa pamamagitan ng isang post sa kanyang facebook page kaugnay sa insidente.
Sinundan naman ng isa sa mga supporters ni Punong Barangay Echie Ponge na kumakandidatong Mayor ng lungsod ang paghahain ng DQ case laban pa rin sa Team Paulino.
Samantala, nakatakda ring maghain ng kaparehong kaso si Atty. Prudencio Jalandoni ng Team Vegafria na tumatakbo rin bilang vice mayor ng lungsod.
“Mayroon mga lumapit sa atin na mga taga-Olongapo na nakasama sa bigayan ng ayuda at nakahanda silang tumestigo laban sa mga Paulino,” ayon kay Jalandoni.
Hihingin umano nila ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) upang ipa-authenticate ang sinasabing video na nag-viral sa social media kung saan makikita na nagbibigay ng ayuda ang kampo ng kasalukuyang mayor ng lungsod na si Atty. Lenj Paulino habang ilan pa sa kanyang mga tumatakbong konsehal ay nakunan din ng video at kasama rin umano sa pamamahagi ng ayuda.
- Latest