7 pulis swak sa ‘frustrated murder’ sa Espinosa ambush
MANILA, Philippines — Sinampahan na ng kasong frustrated murder ni self-confessed drug lord at Albuera, Leyte mayoralty candidate Rolan “Kerwin “ Espinosa ang pitong miyembro ng Ormoc City Police na umano’y sangkot sa pagtatangka sa kaniyang buhay sa naganap na ambush na kaniyang ikinasugat sa nasabing bayan.
Kabilang sa mga inasunto ay sina dating Ormoc City Police Director PCol. Reydante Ariza, Lt. Col. Leonides Sydiongco, Sgt. Alrose Astilla, Corporal Arvin Jose Baronda, Corporal Jeffrey Dagoy, Corporal Alexander Reponte, at Patrolwoman Maricor Espinosa.
Sinabi ni Espinosa na isinampa niya ang kaso upang makamtan ang hustisya sa pagtatangka sa kaniyang buhay at upang aniya’y matukoy ang mastermind.
Una nang sinampahan ng Leyte Police Provincial Office ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Omnibus Election Code noong Abril 14 sa Leyte Provincial Prosecutors Office .
Si Ariza at team nito ay umano’y nakita sa compound malapit sa covered court sa Brgy. Tinag-an kung saan pinagbabaril si Espinosa.
Inihayag pa ni Espinosa na matibay ang kaniyang paniniwala na pulitika ang motibo ng pananambang sa kaniya na kaniyang ikinasugat gayundin ng kaniyang running mate at ng isang menor-de-edad.
Si Espinosa ay kandidato sa pagka-mayor at kalaban sina Mayor Sixto dela Victoria at Leyte Provincial Board Member Vince Rama.
Magugunita na si Espinosa ay pinagbabaril habang nangangampanya sa Brgy. Tinag-an sa bayan ng Albuera noong nakalipas na Abril 11.
- Latest