3 ‘tulak’ huli sa P2.4 milyong droga sa Koronadal

COTABATO CITY, Philippines — Kalaboso ang tatlong lalaki matapos mabilhan ng P2.4 million na halaga ng shabu ng mga hindi unipormadong mga pulis sa Barangay Santo Niño sa Koronadal City nitong gabi ng Miyerkules.
Sa ulat nitong Biyernes ng mga local officials at mga kasapi ng multi-sector Koronadal City Peace and Order Council, ang tatlong suspek, sina Richie Lasanas Gallego, 39-anyos, Dexter Tabaque Pinado, 32-anyos, at ang 42-anyos na si Sabino Baylon Antenor, ay matagal ng sangkot sa malaking bentahan ng shabu sa lungsod at sa mga hindi kalayuang mga bayan na sakop ng Cotabato province.
Kinumpirma nitong Biyernes ni Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, na nasa kustodiya nila ang tatlong suspek na nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Ardiente, ang tatlo ay naaresto ng mga anti-narcotics agents ng Koronadal City Police Office na pinamumunuan ni Lt. Col. Peter Pinalgan, Jr., na kanilang nabentahan ng P2.4 million na halaga ng shabu sa isang entrapment operation sa Purok Twin River West sa Barangay Santo Niño, Koronadal City.
- Latest