Sagot ng Tibyog Akean sa‘vote buying’, inaantay ng Comelec
MANILA, Philippines — Hinihintay na ng Commission on Elections (Comelec) ang sagot ng buong slate ng provincial ticket ng partidong Tibyog Akean—sa pangunguna ng kasalukuyang Aklan Governor Jose Enrique “Joen” Miraflores at dating Aklan Governor Florencio “Joeben” Miraflores kaugnay sa reklamong paglabag sa Omnibus Election Code.
Kasabay ito nang pagsisimula ng pormal na imbestigasyon ng Comelec kaugnay ng umano’y vote-buying at maling paggamit ng pampublikong pondo. Kabilang sa imbestigasyon ang mga kandidato sa Kongreso, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, at mga executive post.
Inatasan na ng Comelec ang mga inirereklamong kandidato ng Aklan na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat i-disqualify sa halalan 2025.
Matatandaang nagpalabas na ang Comelec ng summons sa buong slate ng Tibyog Akean dahil sa umano’y vote buying.
Ayon naman kay comelec Chairperson George Garcia, binibigyang pansin ng Komisyon ang sitwasyon sa Aklan at hinikayat ang mga sangkot na kandidato na tugunan ang mga paratang.
“Ang sinasabi ay pang-aabuso ng yaman ng estado na may kaugnayan sa vote buying. Hindi pa natin nakikita ang kabuuang impormasyon ng alegasyon, at dahil dito ay agad natin itong ira-raffle sa isang division upang sila ay mapasagot sa tamang panahon at makita natin kung may sapat na basehan ang mga akusasyon laban sa kanila,” ani Garcia.
- Latest