2 sa 7 minasaker sa bakery, menor-de-edad
Nilasing bago pinagsasaksak ng amo...
MANILA, Philippines — Pawang menor-de-edad pa ang dalawa sa pitong panadero na nilasing muna ng kanilang amo bago pinaslang habang natutulog sa loob ng pinagtatrabahuhang bakery sa Antipolo City, Rizal kamakalawa.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police, ang dalawang biktima na kinilala lang sa mga alyas na “Rommel” at “Leo” ay kapwa 17-anyos pa lamang.
Samantala, kabilang din sa mga napatay sa krimen ay si alyas “Joan”, lalaki, 25-anyos, at kasosyo umano sa negosyo sa naturang bakery ng suspek na si alyas “Bogart”, 35-anyos.
Ang iba pang biktima sa krimen ay nakilalang sina alyas “Joseph”, 32, master baker; “Rodel”, 21; “Nikko”, at “Joel”.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-6:00 ng umaga nang madiskubre ang krimen sa loob ng J&B Malunggay Bakery na matatagpuan sa Brgy. Cupang, ngunit alas-8:00 ng umaga na lamang nang maiulat sa pulisya.
Kuwento ni Bogart matapos maaresto ng mga pulis sa Camp Crame, plinano niya ang krimen matapos na marinig ang mga biktima na pinagpaplanuhan siyang patayin upang masolo ng kanyang kasosyo ang nasabing panaderya.
Aniya, sa plano, tatakpan umano ng mga biktima ng unan ang kanyang mukha upang palitawing namatay siya dahil sa bangungot.
Dahil kaarawan umano niya, niyaya niyang uminom ang mga biktima at nang malasing at makatulog ay saka umano niya isinagawa ang halinhinang pagsaksak sa mga biktima.
Ayon sa mga pulis, dakong alas-11:00 ng gabi pa lang ay may narinig nang humihingi ng tulong sa loob ng bakery ngunit walang tumulong sa mga biktima.
Duda naman ang pulisya sa pahayag ng suspek hinggil sa motibo niya sa krimen, gayundin sa pag-amin nitong mag-isa lamang siya nang patayin ang mga biktima.
Hinala nila na may kasabwat ang suspek sa pagpatay.
- Latest