Buong tauhan ng Claveria Police Station, sinibak!
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Ni-relieved o pansamantalang tinanggal sa puwesto ni Police Regional Office 5 director Brig. Gen. Andre Perez Dizon ang buong tauhan ng Claveria Municipal Police Station sa Claveria, Masbate matapos akusahan ang isa sa kanilang tauhan ng pamamaril sa isang supporter ng kandidatong alkalde ng naturang bayan noong Linggo ng umaga.
Kinumpirma kahapon ni Dizon, na sinibak muna niya ang buong pwersa ng naturang police station upang makabuwelo sa ginagawang imbestigasyon ang binuo at ipinadalang fact finding team ng Masbate Police Provincial Office sa Claveria.
Umaga noong nakaraang Linggo habang nangangampanya sa Brgy. Peñafrancia ay nagkaroon ng pagtatalo at binaril umano sa tiyan ng isang pulis na bodyguard ni “Mayor Fro Ande” si Aladin Minggoy, 38-anyos na supporter ng kalabang mayoralty candidate na si Kareen Marpuri Ballesteros gamit ang kalibre 45 baril na tumagos ang punglo sa likurang bahagi ng biktima na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Masbate Provincial Hospital. Maging si Ballesteros ay tinangkang barilin ng police escort pero sumabit ang baril nito sa duyan kaya nakatakas at nakapagtago ang kandidato sa isang bahay.
Sinabi ni Dizon na maliban sa nangyaring insidente ay pinalakas pa nila ang seguridad ng lalawigan ngayong paparating na Mayo 12 mid-term election dahil sa mga isyu ng karahasan dito kahit noong nakaraang mga halalan. Kamakalawa, nagpadala na rin si Dizon sa Masbate ng karagdagang 100 pulis mula sa Camp Gen. Simeon Ola bilang augmentation ng mga lokal na pulisya sa lalawigan.
- Latest