‘FPJ Panday Bayanihan’ suportado ng 500K lagda mula sa volunteer group
MANILA, Philippines — Nasa 500,000 lagda mula sa volunteer group ang tiyak nang suporta at boto para sa FPJ Panday Bayanihan Partylist sa nalalapit na halalan sa Mayo 2025.
Ang matatag na suporta para sa FPJ Panday Bayanihan Partylist mula sa publiko ay sa pamamagitan ng isang masiglang kampanya ng pagpirma na naglalayong itaguyod ang adbokasiya ng yumaong Fernando Poe Jr. (FPJ) sa larangan ng pampublikong serbisyo.
Ang inisyatibo, na pinangungunahan ng Volunteer Poe Kami Movement, ay nakapagtala ng malaking tagumpay sa pangangalap ng lagda, kung saan higit 300,000 sa 500,000 na pirma ay mula sa mga masusugid na tagasuporta mula sa iba’t ibang komunidad.
Ang malawakang partisipasyon ay sumasaklaw sa mga pangunahing lungsod sa NCR, lalawigan ng Rizal, Cavite at lalo na sa bayan ni FPJ sa ikatlong distrito ng Pangasinan, na nagpapakita ng matibay na ugnayan at dedikasyon sa kanyang pamana ng paglilingkod-bayan.
Ibinahagi ni Ricky Mallari ang kahalagahan ng makasaysayang hakbang na ito: “Kami po sa Volunteer Poe Kami Movement ay nagsimula noong 2003 nung tumakbo si Da King.”
Binigyang-diin niya ang kanilang pangako, “Sinimulan po namin ang aming adbokasiya ng suporta sa FPJ Panday Bayanihan Partylist.”
Ayon pa sa kanya, nakakalap na sila ng mahigit 300,000 lagda, higit pa sa kinakailangang bilang, at nanawagan ng patuloy na suporta: “Wala pa po diyan ang mga supporter ng 2nd nominee mula Batangas at 3rd nominee mula Mindoro.”
Sa isang pagtitipon, personal namang tinanggap ni Brian Poe, unang nominee ng FPJ Panday Bayanihan Partylist at apo ni Fernando Poe Jr., ang 300,000 lagda, pati na rin ang karagdagang 200,000 mula sa iba’t ibang grupo sa iba’t ibang panig ng bansa.
- Latest