Turistang Koreano pumalag sa holdap, todas!

MANILA, Philippines — Patay ang isang Korean national matapos na pagbabarilin nang pumalag sa riding-in-tandem na mga holdaper sa nangyaring insidente sa Angeles City, Pampanga nitong Linggo ng Pagkabuhay.
Sa report ni Angeles City Police director P/Col. Joselito Villarosa Jr., kinilala ang nasawing biktima sa apelyido lamang nitong Kim.
Ayon kay Villarosa, naitala ang krimen sa kahabaan ng Fil-Am Friendship Highway, Korean Town, Brgy. Anonas ng lungsod bandang ala-1:50 ng hapon.
Base sa imbestigasyon, ang biktima ay nakatayo sa harapan ng bangko sa nasabing lugar nang lapitan ng dalawang riding-in-tandem na holdaper na lulan ng Yamaha Nmax motorcycle.
Agad na nagdeklara ng holdap ang backrider pero pumalag ang biktima habang hinahablot ang kaniyang bag kaya binaril ito ng suspect na nasapol sa kaniyang katawan.
Mabilis na nagsitakas ang mga holdaper matapos na duguang bumulagta ang Koreano na bagaman at nagawa pang maisugod sa pagamutan ay idineklara nang dead-on-arrival ng sumuring doktor.
Agad ipinag-utos ni Angeles City Mayor Carmelo Lazatin Jr. sa pulisya na resolbahin ang krimen sa loob ng 24 oras.
- Latest