Supporter ng kandidato, binaril ng police bodyguard ng mayor!
Habang nangangampanya sa Masbate
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Sugatan ang isang supporter ng kumakandidatong mayor sa bayan ng Claveria sa Masbate matapos barilin umano ng isang pulis na nagsisilbing bodyguard ni “Mayor Fro Ande” habang nangangampanya sa Brgy. Peñafrancia ng naturang bayan nitong nakalipas na Linggo ng umaga.
Patuloy na nilalapatan ng lunas sa hindi binanggit na ospital ang biktima na kinilalang si Aladin Minggoy, 38-anyos, mangingisda, dahil sa isang tama ng punglo sa tiyan na tumagos sa likod.
Sa ulat, alas-9 ng umaga katatapos lang kumain ng grupo ng mayoralty candidate na si Karen Marpuri Ballesteros kasama si Minggoy at iba pang supporter sa bahay ni Brgy. Kagawad Bonbon Amparo nang dumating umano ang grupo ng alkalde.
Isa sa kasama ng alkalde na sinasabing bodyguard na pulis ang bumunot ng mahabang uri ng baril na nakalagay sa sako pero sumabit sa duyan kaya agad nakatakbo si Ballesteros at nakapagtago sa kalapit na bahay.
Sinabi ni Ballesteros na binaril pa ng suspek ang bahay na pinagtaguan ng biktima kaya umabot ng halos tatlong oras na hindi siya nakalabas.
Dahil dito nagtalo umano si Minggoy at ang suspek dahilan para bumunot muli ng kalibre 45 na baril saka pinutukan ang una sa tiyan na mabilis isinugod sa pagamutan makaraang umalis ang grupo ng alkalde. Narekober ng mga rumespondeng pulis sa lugar ng insidente ang dalawang basyo ng bala ng kalibre 45.
Ang asawa ni Mayor Ande ang tumatakbo ngayong alkalde sa bayan na kalaban si Ballesteros.
Kinumpirma naman ni PRO5 regional director Brig. Gen. Andre Perez Dizon na may dalawang pulis umano sa area nang maganap ang insidente na nagsasagawa ng anti-illegal gambling operation.
- Latest