9 na patay sa lumubog na cargo ship - PCG
MANILA, Philippines — Umakyat na sa 9 katao ang nasawi sa sand carrier MV Hong Hai 16 na lumubog sa karagatan ng Rizal, Occidental Mindoro noong Martes Santo matapos na tatlo pang bangkay ang marekober, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) kahapon.
Sa report, dakong alas-3:56 ng hapon noong Sabado de Gloria nang marekober ng search and retrieval team ng Special Operations Group ng PCG Southern Tagalog ang isa pang bangkay sa accommodation area ng nasabing cargo/dredging vessel.
Ang ikalawa at ikatlong bangkay ay nakuha naman sa cargo Hold No. 1 dakong alas-9:17 ng umaga at Cargo Hold Monitoring Control Room ganap na alas-3:10 naman ng hapon nitong Linggo ng Pagkabuhay.
Ayon pa sa report, dalawa pang tripulante ng naturang cargo vessel ang patuloy na pinaghahanap sa gitna na rin ng malabong visibility sa ilalim ng karagatan at panganib mula sa lumubog na barko. Samantalang wala namang na-monitor na oil spill sa bisinidad ng karagatan ng Rizal, Occidental Mindoro bunga ng pagtaob ng barko.
Magugunita na noong Martes Santo, tumaob ang Chinese flagged na cargo vessel na may 25 na sakay sa karagatang sakop ng Brgy. Malawaan, Rizal, Occidental Mindoro ng lalawigan.
- Latest