SUV nakabangga ng aso, sumalpok sa motor; rider dedo
MANILA, Philippines — Nasawi ang isang motorcycle rider nang mabangga ng isang sports utility vehicle (SUV) matapos mawalan ng kontrol sa manibela ang driver nito nang makabangga ng isang asong gala na biglang tumawid sa kalsada sa Antipolo City, nabatid kahapon.
Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center ang biktimang si alyas “Jo” bunsod ng matinding pinsalang tinamo sa kanyang ulo at katawan.
Lumilitaw sa ulat ng Antipolo City Police na dakong alas-10:00 ng gabi ng Sabado nang maganap ang aksidente sa Marcos Highway sa Brgy. Inarawan, Antipolo City. Habang minamaneho ng driver na si alyas Joey ang SUV sa Paenaan patungong Cogeo Gate 2 nang aksidente nitong mabangga ang isang asong gala, na biglang tumawid sa kalsada.
Dahil dito, nawalan ng kontrol ang nasabing driver sa SUV at napalipat ng kabilang linya. Dito na niya nabangga ang kasalubong na biktima, na lulan naman ng kanyang motorsiklo na nagresulta sa matinding pagkasugat nito.
Mabilis na naisugod sa pagamutan ang biktima ngunit nasawi rin nitong Linggo ng madaling araw.
Samantala, hindi na kakasuhan ng pamilya ng biktima ang driver ng SUV, na boluntaryong sumuko sa mga awtoridad, matapos na magkasundo ang magkabilang panig na mag-ayos na lamang.
- Latest