Death toll sa dyip na nawalan ng preno , 7 na
BOAC, Marinduque, Philippines — Umabot na sa pitong katao ang namatay sa nangyaring road crash na kinasasangkutan ng isang pampasaherong jeepney na nawalan ng preno sa Sitio Badbad, Barangay Bantay, sa bayan ng Boac, Marinduque noong Sabado de Gloria.
Ayon sa Boac Municipal Police Station sa pamumuno ni Police Major Arjell Padilla, sa mga unang ulat kamakalawa ay 6 na katao ang agad na nasawi sa insidente, subalit kahapon ay nasawi rin ang isa pa sa mga pasahero na dinala sa pagamutan, na hindi pa nakikilala.
Ang pitong nasawi na maliligo sana sa dagat ay kabilang sa 26 na pasahero na lulan ng nasabing sasakyan na naaksidente habang binabagtas ang National Road ng nasabing bayan.
Idinagdag pa ng Boac Police na dalawa kaagad sa mga biktima ang namatay at ang 5 ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Marinduque Provincial Hospital.
Nakapiit sa municipal jail ang driver ng jeep na nahaharap sa patung-patong na kaso.
- Latest