Ferry sumadsad: 506 pasahero at crew nasagip
MANILA, Philippines — Umaabot sa 506 pasahero at crew ang nasagip matapos na sumadsad ang isang Roll-on Roll-off ferry sa pier ng Jagna, Bohol, ayon sa mga opisyal kahapon.
Sa pinagsamang ulat ng Philippine Coast Guard-Central Visayas (PCG-7) at Jagna Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nangyari ang insidente nitong Sabado de Gloria.
Ayon sa PCG 7 nakatanggap sila ng distress call mula sa M/V Lite Ferry 5 matapos na mabalahura ang barko sa mababaw na bahagi ng karagatan malapit sa Jagna Port ilang oras matapos itong umalis sa nasabing daungan.
Nabatid na ang nasabing ferry ay patungong Cagayan de Oro City nang mangyari ang insidente.
Sinasabing inabot ng low tide ang barko kaya ito nabalahura sa mababaw na bahagi ng karagatan na nabigo nang mapaandar bunga ng insidente.
“The vessel, en route to Cagayan de Oro, was maneuvering to depart when it drifted into shallow waters due to low tide, approximately 200 meters from the port,” ayon sa PCG-7.
Agad na nagsagawa ng rescue operations ang pinagsanib na team ng PCG-7, Jagna DRRMO, Bantay Dagat at maging ang mga nagboluntaryong mga lokal na mangingisda para tulungan ang mga pasahero ng sumadsad na barko.
Sa ulat kahapon, nasa 506 pasahero at mga crew na lulan ng naturang bako ang ligtas nang naihatid sa Port of Jagna.
- Latest