9 minerong Chinese natimbog ng BI
COTABATO CITY , Philippines - Siyam na Chinese nationals na walang pahintulot na magtrabaho sa isang mining company sa Barangay Chua sa Bagumbayan, Sultan Kudarat ang inaresto ng magkasanib na puwersa ng Bureau of Immigration at militar.
Sa ulat nitong Linggo ni Brig. Gen. Michael Santos, commander ng 603rd Infantry Brigade, nasa kustodiya na ng BI ang naturang mga banyaga na nagtatrabaho sa Helen Grace S. Camsa Precious Metal Mining Company sa Barangay Chua, Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Kusang loob na nag-padetine ang 9 na Chinese miners, isa sa kanila mula ay sa Hongkong, sa mga kawani ng BI at mga opisyal ng 7th IB na pinamumunuan ni Lt. Col. Tristan Rey Vallescas, na nagtulungan sa pag-alam sa legalidad ng kanilang pagtatrabaho sa naturang mining company na may copper at gold exploration project sa Bagumbayan.
Ayon kay Santos, may mga pasaporte ang 9 na Chinese pero wala silang maipakitang working permits sa mga kawani ng BI at tropa ng 7th IB, na isang malinaw na paglabag sa Immigration laws ng Pilipinas.
- Latest