9 timbog sa P410K shabu sa Nueva Ecija

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Siyam na drug suspect ang nadakip ng mga operatiba ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) nang makumpiskahan ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P410,992 sa magkasunod na anti-drug operation nitong Huwebes at Biyernes Santo sa lalawigang ito.
Ayon kay P/Col. Ferdinand Germino, provincial director ng NEPPO, isang joint buy-bust operation ang isinagawa ng Cabanatuan City Police at ng NEPPO-PDEU sa Purok 5, Barangay Cruz Roja, ng lungsod na ito, na ikinaaresto ng dalawang hinihinalang tulak ng droga na isang 47-anyos na truck driver ng Barangay D.S. Garcia, at isang 27-anyos na construction worker ng Barangay San Roque Sur, kapwa ng lungsod na ito.
Ang nakumpiska umano sa dalawa ay pinagsamang 55-gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang may street value na P374,000.
Samantala, naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya ng Jaen, San Isidro at General Llanera, kung saan tigda-dalawang tulak ang kanilang nahuli sa nasabing tatlong bayan, habang isa ang nadakip ng General Natividad Police.
Aabot sa 5.44 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P36,992 at ilang drug paraphernalia ang nakumpiska sa pitong suspek.
- Latest