2 pasahero kinatay sa loob ng jeep
CAVITE, Philippines — Patay ang dalawang lalaki makaraan silang pagsasaksin sa loob ng sinasakyang jeepney kamakalawa ng gabi sa Brgy. Luciano, Trece Martires City, dito sa lalawigan.
Kapwa tadtad ng saksak ang mga biktima na kinilalang sina Ernesto Alonzo, 49, ng AFP Housing, Brgy. Luciano, at Norberto Egos Jr, 49-anyos, residente ng Ciudad Adelina; pawang sa Trece Martires, Cavite.
Naaresto naman sa follow-up operation ng pulisya ang suspek na si alyas “Joel”, ng Ciudad Adelina, Trece Martires City.
Sa ulat ng pulisya, alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente habang sakay ang mga biktima at suspek sa iisang jeepney at bumabagtas sa nasabing lugar.
Sa hindi pa mabatid na dahilan, pinagsasaksak ng suspek ang dalawang biktima. Naabutan pa ng awtoridad ang unang biktima na duguan at tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang ang pangalawang biktima ay nakatalon pa diumano sa jeep subalit tadtad rin ng saksak sa katawan.
Kapwa hindi na naisalba pa ang mga biktima nang isugod sa ospital.
Naaresto naman ng pulisya ang suspek habang naglalakad sa tapat ng isang convenience store ng Brgy. San Agustin, Trece Martires, Cavite.
- Latest