‘Tuturuan ko maging ‘watchdog’ ang taumbayan! - Ben BITAG Tulfo

CAGAYAN DE ORO, CITY, Philippines —“Malapit nang matapos ang inyong maliligayang araw!”
Ito ang mariing babala ng senatorial candidate Ben BITAG Tulfo laban sa mga dorobo sa gobyerno kapag pinalad siyang makaupo sa Senado.
Sa isang pulong balitaan sa Cagayan de Oro City, hinikayat ni Ben BITAG Tulfo ang mga negosyante na miyembro ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na manindigan at huwag matinag ilantad ang maling sistema na kanilang nararanasan sa kamay ng mga korap na opisyal.
Ibinunyag ni Ben BITAG Tulfo na maraming negosyante ang nabibiktima ng maling sistema. Dahil sa ayaw nilang maperwisyo, mabansagang “trouble maker” at mapag-initan ng lokal na pamahalaan ay minamabuti na lamang umano nilang manahimik.
Ang sagot naman ng senatorial aspirant, “Evil triumphs when good men do nothing. Kapag nanatili ang ganitong klaseng sistema, pamumugaran na tayo ng mga dorobo sa mga tanggapan ng gobyerno.”
Pabiro, pero may laman ang tanong ni Ben BITAG Tulfo sa mga local media. Kung kilala nila sa loob ng mga tanggapan ‘yung mga “Korean” – as in ‘…ko’riyan.’ Maging sila “Patty” as in ‘Pati’ at sila “Eddie” – as in “E’di.”
Tugon ng mga local press, “sino sila, Sir Bitag?”
Yung “Korean” – as in ‘Magkano ako’riyan?’ Si “Patty” – pati ako, pati siya, pati kami isama mo riyan.” Si “Eddie” noong araw pa, ang lagay sila lang? Papaano si Eddie? Sino si Eddie, E’di ako!
Bunsod nito, sinabi ni Ben BITAG Tulfo na siya ay seryoso at kapag nahalal, magbubuo siya ng mga “regional watchdog” sa tulong ng mga media na pangungunahan ng kaniyang tanggapan sa Senado.
“Tuturuan kong maging “watchdog” ang taumbayan!” pahayag ni Ben BITAG Tulfo.
Ito aniya ay para sanayin ang taumbayan na magbantay kung sino ang mga abusado, mapagsamantala, manloloko at pabaya sa kanilang tungkulin sa mga tanggapan ng pamahalaan – lokal man o nasyunal.
Ayon kay Ben BITAG Tulfo, “Bibigyan ko ng lakas ng loob ang mga watchdog. Itatago ko ang kanilang mga pagkakakilanlan. Kapag nakumpleto ko ang mga ebidensya laban sa mga “Korean”, “Patty” at “Eddie” magsasagawa ako ng imbestigasyon.
- Latest