7 pulis na POI sa Espinosa ambush, nega sa paraffin test

MANILA, Philippines — Negatibo sa paraffin test ang pitong kasapi ng Ormoc City Police na itinurong persons of interest (POIs) sa pananambang at ikinasugat ng self-confessed drug lord na si Albuera, Leyte mayoralty candidate Kerwin Espinosa.
Ito ang inihayag ni PNP-Public Information Office (PNP-PIO) Chief P/Col. Randulf Tuaño base sa resulta ng paraffin test na isinagawa sa pitong Ormoc City cops.
Ang pitong pulis ay una nang sinibak sa puwesto habang gumugulong ang imbestigasyon laban sa mga ito sa akusasyon ni Espinosa.
“Yung paraffin test po ay nakuha na po ang resulta, negative po ang resulta nito. Ang paraffin examination po hindi siya conclusive na ikaw ay nagpaputok o hindi,” anang opisyal na iginiit na kasalukuyan namang inaalam kung gumamit ng kemikal o guwantes ang nasabing mga parak bago ang pamamaril kay Espinosa.
Si Espinosa ay pinagbabaril habang nangangampanya noong Abril 10 ng gabi ng mga armadong kalalakihan na ikinasugat nito, ng kaniyang vice mayoralty candidate at isa pang menor-de-edad.
Ang pitong tauhan ng Ormoc City ay dinampot matapos namang sabihin ng kampo ni Espinosa na sa isang resort sa lungsod nagsitakbo ang mga suspect na tinutugis ng Albuera Police.
Ang insidente ay nagresulta sa pagkakasibak ng hepe ng Ormoc City Police na si P/Col. Reydante Ariza.
Idinagdag pa ni Tuaño na ang pagkakadawit ng nasabing mga parak sa Espinosa ambush ay pumasok na sa ebidensiyang sirkumstansiyal at mula rito ay pagdudugtungin pa ang makakalap na mga ebidensiya.
- Latest