3 ‘wanted’ na bumaril sa 4 pulis, tugis
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Inilunsad kahapon ng mga pulis ang province-wide manhunt operation laban sa tatlong wanted persons na nakipagbarilan sa arresting team na nagresulta sa pagkasugat ng apat na pulis sa Barangay Manggagawa, Guinayangan nitong Biyernes ng umaga.
Ang tatlong wanted ay nakilala lamang sa pangalang Richard Oderece Rabe, 37, ng Brgy. Buga Libon, Albay; Roy Armillo, at Magno Revera, 32, ng Camarines Sur.
Sinabi ni Major Julio Dogta, hepe ng Guinayangan Police Station, kahapon na tinutugis na ang tatlong wanted persons sa kanilang pinaghihinalaang pinagtataguan malapit sa katabing barangay sa bayan ng Guinayangan.
Ayon kay Dogta, natukoy na nila ang lokasyon ng mga suspek.
Bunsod nito, agad inutos ni Col. Ruben Lacuesta, Quezon police director, ang pagbuo ng tracker team para sa agarang pag-aresto sa tatlong armadong kriminal na posibleng nagtatago sa bayan ng Guinayangan at mga katabing munisipyo.
Ayon sa ulat, ihahain na ng pulisya ang warrant of arrest sa kasong pagpatay sa tatlong wanted, pero bago maisagawa ang pagdakip sa kanila ay nagawa nilang manlaban at nakipagpalitan ng putok sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkasugat nina Police Chief Master Sergeant Crisologo Castillo, 44, ng Guinayangan Police Station; Executive Master Sgt. Alex Maigue, 44; Staff Sgt. John James Red; kapwa ng Regional Intelligence Unit 4A, at chief Master Sgt. Domingo Jalmasco Enraca Jr. ng Regional Intelligence Unit-Bicol.
- Latest