Election officer, mister todas sa ambush!

COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang abogadang municipal election officer at kanyang mister matapos tambangan at pagbabarilin habang lulan ng SUV sa Barangay Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ang napaslang na abogadang Moro na si Bai Maceda Lidasan-Abo, election officer ng Datu Odin Sinsuat, isa sa 12 na bayan sa Maguindanao del Norte sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at ang kanyang mister na si Datu Jojo Abo.
Sa magkahiwalay na ulat ng mga opisyal ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station at ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, dakong alas-8:30 ng umaga sakay ng kanilang Toyota Fortuner ang mag-asawang Abo at patungo sana sa sentro ng Datu Odin Sinsuat nang sila ay tambangan ng mga armadong kalalakihan sa isang bahagi ng Cotabato-Isulan Highway sa Barangay Makir sa naturang bayan.
Sa imbestigasyon, bumangga pa sa isang puno sa gilid ng highway ang nasabing SUV nang mawalan ng kontrol sa manibela si Datu Jojo nang matadtad ng mga bala sa iba’t ibang parte sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Namatay naman ang nasabing electio officer sa isang ospital sa Cotabato City habang mabilis na tumakas ang mga salarin.
Agad namang ipinagutos ni P/Brig. Gen. Romeo Macapaz, Regional Director ng Bangsamoro Autonomous Region Police ang malawakang manhunt operations laban sa mga suspect na sangkot sa ambush-slay.
Dahil sa insidente, inirekomenda kahapon ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na maisailalim sa Comelec control ang Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte para sa May 12 elections. — Mer Layson
- Latest