Katatagan ng mga taga-Leyte, Samar sa pagbangon sa Yolanda, pinuri ni ‘Tol’
Tacloban City, Philippines — Kinilala ni reelectionist Senator Francis ‘Tol’ Tolentino ang katatagan na ipinamalas ng mga taga Silangang Kabisayaan sa kanilang pagbangon mula sa pananalasa ng super typhoon Yolanda,12 taon na ang nakalilipas.
“Ang inyong tapang at pananampalataya ay inspirasyon sa lahat ng Pilipino,” inihayag ni Tolentino sa libo-libong dumalo sa campaign rally ng Alyansa sa Plaza Libertad.
Magugunita na si Tolentino, na noo’y Chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang nanguna sa rescue and relief mission na ipinadala ng pambansang pamahalaan sa Leyte at Samar matapos itong salantain ni Yolanda noong Nobyembre, 2013.
Sa kanyang talumpati, kinilala ni Tolentino sa mga manonood si Dionisio “Joning” Delingon, 57, isang mangingisda at Yolanda survivor mula Anibong, Tacloban City.
“Nasawi ang asawa at bunsong anak ni Manong Joning dahil kay Yolanda. Dalawa n’yang anak ang na-rescue,” ibinahagi ng senador.
“Matagal akong tumira rito, dalawang buwan, sa isang tent sa RTR Plaza. Sa panahong iyon, marami akong nakilalang tulad ni Manong Joning.”
“Tuwing ako’y bibisita sa Tacloban; sa Guian, Sulat, at General MacArthur (Eastern Samar); at sa Palo at Tolosa (Leyte), naaalala ko ang inyong katatagan bilang isang komunidad.”
Bukod kay Delingon, ipinakilala rin ni Tolentino mula sa audience sina John Wendel Manaba, 21, naghahanap-buhay bilang motorcycle rider, at ang college student na si Roxanne Salentes Maquilan, 20 – kapwa residente ng Tacloban. Ibinahagi ng senador ang kanyang mga nagawa para sa kanilang mga sektor.
Para sa riders, kabilang ang pagpasa ng amyenda sa Doble Plaka Law; pagpapahinto sa pagbabawal ng LTO sa temporary license plates; at ang pagtutulak sa panukala na maggagawad ng mga benepisyo sa mga rider sa ilalim ng Labor Code.
Para naman sa mga estudyante, binanggit ng senador ang kanyang amyenda sa Senate Bill 2699, na nagkakaloob ng substansyal na diskwento sa mga mag-aaral sa kanilang pagbili ng internet load. Lusot na ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado.
- Latest