‘Tulak’ todas sa buy-bust, parak sugatan
MANILA, Philippines — Isang drug suspect ang patay habang sugatan ang isang pulis nang manlaban sa isang buy-bust operation sa Cainta, Rizal kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang napatay na suspek sa alyas na ‘Michael’ habang ang nasugatang pulis ay nakilalang si PCpl. Mark Abagon.
Samantala, arestado ang apat pang kasamahan ng suspek na sina alyas “Richard”, 25, ng Taytay, Rizal; alyas “Noel”, 55, ng Mandaluyong City; alyas “Aldon”, 48, ng Cebu City at alyas “Rona”, 26, ng Taytay, Rizal.
Lumilitaw sa ulat ng Cainta Municipal Police Station na dakong alas-2:00 ng madaling araw nang maganap ang engkuwentro sa Alley 73, Kabisig Bermai, sa Brgy. San Andres, Cainta.
Nauna rito, nagkasa umano ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Cainta Municipal Police Station-Intelligence Division laban sa isang alyas “Diether”, na sinasabing sangkot sa ilegal na gawain dakong ala-1:30 ng madaling araw.
Gayunman, sa kasagsagan ng operasyon, nakahalata si alyas “Michael” na mga pulis ang katransaksyon kaya’t bumunot ng baril at pinaputukan ang poseur buyer na si PCpl. Abagon. Dito na gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ni alyas “Michael”.
Naaresto ng mga awtoridad ang mga kasamahan ng suspek na nakapiit na at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest




















