Ex-US Navy officer, 1 pa todas sa gate crasher!

MANILA, Philippines — Dalawa katao kabilang ang isang retiradong US Navy officer ang patay makaraang pagbabarilin ng isang lalaking “gate crasher” na biglang pumasok sa kanilang compound sa Brgy. Punta Princesa, Cebu City nitong Martes ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina ret. US Navy officer George Kyle Lucas, 39 taong gulang at kapitbahay nitong si Nicardo Nombrado, 59-anyos.
Arestado naman ang suspect na si Kevin Asia na nahaharap sa kasong double murder.
Sa ulat ng Cebu City Police, nangyari ang insidente sa Lucas Compound, Bayabas Extension, Brgy. Punta Princesa dakong alas-7:50 ng gabi.
Base sa imbestigasyon, sinamantala at sinabayan ng pasok sa nasabing compound ng suspek na taga-Bayabas Extension, ang pagpasok ng behikulo ng mga biktima.
Sinasabing tinangka pa ni Nombrado na paalisin si Asia sa compound pero naging bayolente ang huli na inagaw ang baseball bat ng una. Nang marinig naman ng kaniyang kapitbahay na si Lucas ang komosyon ay lumabas ito bitbit ang kaniyang baril na pinaputukan sa paa si Asia pero mabilis na naagaw ng suspect ang armas.
Kaya dito, agad pinaputukan ni Asia si Nombrado bago tinungo ang bahay ni Lucas at pumasok sa loob saka pinagbabaril din ng sunud-sunod.
Naniniwala naman ang mga residente sa lugar na nasa impluwensya ng illegal na droga ang bayolenteng suspect na naaresto ng mga nagrespondeng pulis ilang sandali matapos maganap ang krimen.
- Latest