Tomahawk plane nag-landing sa bukirin
PLARIDEL, Bulacan, Philippines — Isang training aircraft na umano’y nagkaaberya ang makina sa himpapawid ang nag-emergency landing sa malawak na bukirin sa Brgy. Lalangan ng nasabing bayan kahapon ng umaga.
Sa report na nakarating kay Bulacan Police director PCol. Satur Ediong, nag-emergency landing ang PA 38 Tomahawk (2 seater training plane) bandang alas-9:45 ng umaga.
Kinilala ang mga nakaligtas na lulan ng eroplano na sina Velentine Bartolome, 50, pilot instructor, residente ng Antipolo City at David John Cayaban, 25, training pilot, residente ng Las Piñas City.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon at base na rin sa piloto, sa kalagitnaan ng kanilang flight training sa himpapawid ay pumalya ang makina kaya napilitan silang mag-emergency landing sa bukid.
Nabatid na ligtas naman ang mga piloto at pawang walang senyales na nasaktan sa naturang insidente.
Sinasabing agad dumating sa lugar ang mga tauhan ng Security Intelligence Service ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at nagsagawa ng imbestigasyon sa insidente.
- Latest