Mayor, vice mayor sa Pangasinan tinaningan ng 10-araw ng DILG
MANILA, Philippines — Sampung araw ang ibinigay na taning ng Department of Interior and Local Govertnemnt (DILG) sa magpinsang sina Urdaneta City mayor Julio “Rammy|” Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno upang kanilang sundin ang isang taong suspension order na iginawad sa kanila ng Malacañang kaugnay ng kasong grave abuse of authority at grave misconduct na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Enero 3, 2025.
Sa media interview, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na sa loob ng 10 araw ay solve na ang naturang issue.
Nakarating sa DILG na kahit na naisilbi ng DILG Region 1 ang suspension order ng mga Parayno noong Enero 7, ay hindi pa rin umaalis sa puwesto ang magpinsang Parayno at patuloy na pumapasok sa kanilang trabaho bagay na ikinagalit na ng dilg sa hindi pagsunod sa kanilang suspension order.
Sinabi ni Remulla na naimpormahan na ng DILG ang Commission on Audit, Land Bank at lahat ng ahensiya na legally ay hindi na maaaring pumirma ang mga Parayno ng mga dokumento.
Dahil sa pagkapit-tuko sa posisyon ng mga Parayno, takot at hindi tuloy makapuwesto bilang acting mayor at acting vice mayor sina first Councilor Franco del Prado at 2nd Councilor Warren Andrada na kapwa inatasan ng DILG na humalili sa mga puwesto magpinsang Parayno.
Ang magpinsang Parayno ay sinuspinde ng Palasyo makaraang mapatunayang guilty sa kasong grave abuse of authority at grave misconduct nang illegal na alisin sa puwesto si Punong Barangay Michael Brian Perez bilang pangulo ng Liga ng mga Barangay noong 2022 at palitan ng pinapanigang indibidwal kahit labag ito sa batas.
Ang provincial liga office lamang ang may kapangyarihang magtanggal sa puwesto ng mga liga officers.
- Latest