Ama, ina, 3 anak ubos sa aksidente sa Valentine's Day!

Nagsiksikan sa motor, nasapol ng truck
COTABATO CITY, Philippines — Patay lahat ang limang miyembro ng pamilya na kinabibilangan ng tatlong batang magkakapatid at kanilang mga magulang, sa naganap na highway tragedy sa Initao, Misamis Oriental nitong Biyernes ng hapon.
Sa ulat ng mga barangay officials at ng Initao Municipal Police nitong Sabado, agad namatay ang mga biktima nang salpukin ng isang humahagibis na truck ang kanilang sinasakyang motorsiklo habang papauwi na sana sa Cagayan de Oro City mula sa naturang bayan.
Sa pahayag ng Police Regional Office-10, siksikang magkaangkas ang nasabing pamilya sa isang motorsiklo nang mabundol ng isang Isuzu truck habang bumabagtas sa Iligan-Cagayan de Oro Highway sa Barangay Gimangpang ng nasabing bayan.
Ayon sa mga saksi, nag-overtake ang motorsiklo sa isang kotse at nagawi sa kabilang linya ng highway kaya ito nabangga ng kasulubong na truck.
Sinabi naman ng mga opisyal ng PRO-10 at Misamis Oriental Provincial Police Office, idineklarang dead-on-arrival ng mga doktor sa isang pagamutan ang limang biktima kung saan sila dinala ng mga pulis at emergency responders upang malapatan sana ng lunas.
- Latest