Tanod kinatay ng mag-ama sa pustahan sa sugal

MANILA, Philippines — Dahil lamang sa alitan sa paglalaro ng baraha, patay ang isang barangay tanod matapos na pagtulungang pagsasaksakin ng isang mag-ama na kanya ring kamag-anak sa Sinait, Ilocos Sur nitong Biyernes.
Kinilala ang biktima na si Angelito Ibus, 54-anyos, binawian ng buhay sanhi ng malalalim na saksak na tinamo sa kaniyang katawan.
Ang mga suspect ay nakilala namang sina Junadick Ibus, 44 anyos at ama nitong si Juan Ibus.
Sa imbestigasyon ng Sinait Police, nangyari ang insidente sa Brgy. Barikir kamakalawa ng hapon habang kasalukuyang nakikipaglaro ng baraha ang biktima kay Junadick kung saan ilang saglit pa ay nagtalo na sila sa pustahan.
Sa kainitan ng pagtatalo, kumuha ng patalim sa kusina si Junadick at pinagsasaksak ang kaanak na biktima habang sa pangambang madehado ang anak ay tumulong din sa pagsasaksak ang ama nito.
Ang biktima ay nagtamo ng malalalim na saksak sa katawan na duguang bumagsak na bagama’t naisugod pa sa pagamutan ay idineklara nang dead-on-arrival.
Mabilis na tumakas sa crime scene ang mag-ama pero makalipas ang ilang oras ay kapwa sumuko sa pulisya.
- Latest