‘Fake news’ sa Bulacan, pinasisilip sa DILG, PNP

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Nanawagan si Bulacan Vice Governer Alexis Castro sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na mas paigtingin pa ang kanilang pagmo-monitor at pagberipika sa mga nakaaalarma at kumakalat na fake news sa social media na nagdudulot ng takot sa mga residente ng lalawigan.
Ipinatawag ni Castro ang Committee on Peace and Order at Committee on Communication, Information, Technology, and Mass Media para sa isang pagdinig noong Huwebes, ika-13 ng Pebrero sa Bulwagang Benigno S. Aquino Jr., kabilang ang mga indibidwal na may kinalaman sa nasabing pagkakalat ng hindi tamang impormasyon.
“Marami sa mga post na ito ang walang beripikasyon o kumpirmasyon mula sa ating kapulisan o anumang opisyal na ahensiya ng ating pamahalaan. Bagama’t mahalaga ang pagbibigay-babala o awareness sa publiko, ang pagpapakalat ng pekeng balita o hindi beripikadong impormasyon ay may seryosong epekto. Maaring magdulot ito ng takot, galit, maling akusasyon, kaguluhan sa ating komunidad,” ani Castro sa kanyang privilege speech.
Naimbitahan si Vien Arceo mula sa Brgy. Poblacion sa Pulilan sa pagdinig matapos siyang mag-post sa Facebook ng isang thread na may caption na nagsasabing, “Hindi na safe sa Bulacan” na nakakalap ng mahigit 5,000 na likes. Maging ang kalihim ng Brgy. Taliptip sa Bulakan na si Christian Daet ay naimbitahan matapos din niyang i-post sa kaniyang Facebook page at ilathala ang isang insidente ng pangho-holdup sa kanilang lugar.
Ang mga nasabing post, bagama’t ang intensyon ay for public awareness, ito ay hindi beripikado at nagdudulot lamang aniya ng pagkaalarma sa mga tao, ayon kay Bulacan-PNP Provincial Director PCol. Satur L. Ediong.
“When we verified ‘yung iba’t ibang krimen diumano na sinasabi sa mga post, we found out that they were not true and mostly were for content. Iyong mga reported naman po sa atin ay ginagawan ng aksyon ng ating kapulisan na huluhin at kasuhan. In fact, may mga nakasuhan na at nahuli na tayo,” saad ni Ediong.
Samantala, binigyang din ni Castro sa pagdinig ang ilan sa mga batas na maaaring isampa sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon tulad ng Article 154 ng Revised Penal Code of the Philippines o ang Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances, ang Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, at ang Special Laws on False information or Republic Act 10951 – Amendment to the Revised Penal Code.
- Latest