Mangingisda inatado ng ex-kagawad
MANILA, Philippines — Kalunos-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang mangingisda nang pagtatagain ng sarili nitong kaanak na dating barangay kagawad sa Brgy.Cabugao, Siruma, Camarines Sur, kamakalawa ng gabi.
Duguang isinugod ng mga kaanak at residente sa Tinambac Infirmary Hospital pero ideneklarang dead-on-arrival ang biktima na kinilalang si Nelson, 38-anyos. Tinutugis na ng mga pulis ang tumakas na suspek na kinilalang si dating barangay kagawad Adario, 45-anyos, kapwa residente ng naturang lugar.
Sa ulat, alas-8:30 ng gabi habang nasa harap ng kanyang bahay ang biktima ay nilapitan ito ng suspek na armado ng itak at kinompronta sa hindi malamang pinagtatalunan.
Ilang sandali ay nakita na lang na sunud-sunod na inundayan ng taga ng suspek sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang biktima na duguang humandusay. Mabilis na tumakas sa dagat ang suspek lulan ng bangkang de-motor patungong bayan ng Tinambac. Dinala naman sa pagamutan ang duguang biktima pero hindi na umabot nang buhay.
- Latest