Ama na bibili ng pandesal, dedo sa sagasa ng truck
MANILA, Philippines — Kalunos-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang padre de pamilya na bibili lang sana ng pandesal matapos siyang mabangga ng isang multi-purpose vehicle (MPV) at tumilapon, at nagulungan ng 16-wheeler truck sa Antipolo City, Rizal, noong Martes ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Renato Lao-ang, 35-anyos, may isang anak na isang-taong-gulang pa lang, at buntis ang asawa.
Sa kuha ng Barangay San Jose nitong Martes ng madaling araw bago mag-alas-5:00 ng umaga ay makikita si Lao-ang na tumawid sa kalsada para umano bumili ng pandesal.
Pagdating niya sa gitna ng kalsada, tumigil ang biktima upang hintayin na makalampas ang mga dumaraang sasakyan na may mga truck.
Pero ilang saglit lang, isang MPV na mabilis ang takbo ang bumangga sa kaniyang likuran na dahilan para tumilpon siya sa kabilang bahagi ng kalsada.
Nagkataon naman na may dumaraang 16-wheeler truck at nagulungan ang biktima.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, hepe ng Antipolo City Police, nahagip ng mga gulong mula sa unahan hanggang hulihan ng truck ang biktima dahil wala nang pagkakataon na makapagpreno agad ang dambuhalang sasakyan.
Sinabi rin ni Manongdo na sumuko ang driver ng truck pero hindi ang driver ng MVP na unang nakabangga sa biktima.
- Latest