Tingog Party-list pinagtibay paglilingkod sa Pinoy
MANILA, Philippines — Mahigit 500 partners at volunteers mula sa iba’t ibang Tingog Centers sa buong bansa ang nagtipon sa Tingog Summit 2025 noong Pebrero 6, 2025, sa Leyte Academic Center sa Campetic, Palo, Leyte upang muling pagtibayin ang misyon ng Tingog Partylist.
Sa ikalawang yugto ng Tingog Summit, kinilala ang kontribusyon ng mga kawani at boluntaryo at binigyang-diin ang mga nagawa ng partido. Ang pagtitipon ay hindi lamang isang pagdiriwang ng paglalakbay nito, kundi isang panibagong panata na ipagpatuloy ang paglilingkod at pagbibigay kapangyarihan sa mga Pilipino saan mang sulok ng bansa.
Mula nang maitatag noong 2012 bilang Tingog Leytehon sa Leyte, nakaranas ang partido ng kahanga-hangang pag-unlad, mula sa Eastern Visayas, kung saan ito nag-ugat hanggang sa maging isang pambansang puwersa.
Ang panalo nito noong 2019 ay nagbukas ng oportunidad upang mapalawak at mapatatag ang Tingog Partylist para mas mapalakas ang boses nito sa pagtataguyod ng mga sektor na hindi sapat ang nakukuhang serbisyo.
Isa sa mga pundasyon ng pagpapalawak na ito ang pagtatatag ng Tingog Centers, na sa kasalukuyan ay may 210 sentro na nag-o-operate sa buong bansa na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo tulad ng healthcare assistance, legal aid, educational support, at livelihood programs.
Binigyang-diin ni Rep. Jude Acidre ang kahalagahan ng mga sentrong ito sa pagtupad sa misyon ng partido. Ang Tingog Partylist ay nakapagsumite ng 500 panukala at resolusyon, kung saan 40 sa mga ito ang naisabatas, kabilang ang Sim Registration Act, e-Commerce Act, Basic Education Mental Health Promotion Act, New Government Procurement Act, Ligtas Pinoy Centers Act, Ease of Paying Taxes Act, at Magna Carta of Filipino Seafarers Act.
- Latest