Mag-inang Chinese na dinukot, nahukay!
MANILA, Philippines — Matapos ang mahigit isang taong pagkawala, kapwa natagpuang nakabaon sa lupa ang mag-inang Chinese national na dinukot sa Alabang, Muntinlupa City nang matunton ng mga awtoridad sa General Trias City, Cavite nitong Biyernes.
Sa report ni Police Regional Office (PRO)-IVA director P/Brig. Gen. Kenneth Lucas, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Rong Rong Hong at anak nitong lalaki na si Zineng Zheng, 11 taong gulang.
Ayon sa mga awtoridad, ang labi ng mga biktima ay nahukay ng pinagsanib na mga elemento ng PNP-Anti-Kidnapping Group at Gen. Rias Police sa Savannah Sibdivision, Brgy. San Francisco, Gen Trias City bandang alas-5 ng hapon.
Ang mag-ina ay matagal nang pinaghahanap ng kanilang pamilya matapos silang dukutin ng anim na armadong lalaki sa Ayala Alabang, Muntinlupa City noong Oktubre 2023.
Ang tatlo pang Pinoy na kasama na dinukot ay kinabibilangan ng mag-asawang stay-in kasambahay ng pamilya at driver gayundin ang anak nilang lalaki ay pinakawalan ng mga kidnapper sa Calauan, Laguna.
Noong OKtubre 30, 2023, pinasok ng anim na armadong kidnapper ang bahay ng mga biktima sa isang kilalang subdivision sa Muntinlupa at kinidnap ang 9 sa kanila kabilang ang anim na Chinese na isinakay sa van.
Ang iba sa mga biktima ay napalaya pero nanatiling bihag ang nasabing mag-ina na pinaniniwalaang nabigong magbayad ng ransom kung kaya pinaslang at ibinaon sa Gen. Trias City.
Nagsasagawa na ng post mortem examination at awtopsiya ang mga awtoridad sa mga labi ng mag-inang biktima at upang mabatid ang sanhi ng kanilang kamatayan.
- Latest