Binata, umiwas sa truck; nasalpok ng AUV, dedo
MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang binata nang masalpok ng isang Asian utility vehicle (AUV) matapos na iwasan niya ang isang truck habang tumatawid sa kalsada sa Cainta, Rizal kamakalawa.
Matinding pinsala sa ulo ang ikinasawi ng biktimang si alyas ‘Jake,’ 19, residente ng Brgy. San Andres, Cainta habang kusang-loob na sumuko sa mga otoridad ang driver ng AUV, na natuklasang paso na ang lisensiya.
Lumilitaw sa ulat ng Cainta Municipal Police Station na ang aksidente ay naganap nitong madaling araw ng Miyerkules sa bahagi ng Eastbank Road, sa Brgy. San Andres, sa Cainta.
Ayon kay Cainta PNP chief, PLTCOL Joseph Macatangay, base sa pagsisiyasat ay patawid na sana ang biktima sa kabilang bahagi ng kalsada nang umatras ito dahil may nakitang truck.
Gayunman, minalas na mahagip siya ng AUV na hindi niya napansin na galing naman sa kabilang direksiyon.
Sinabi ni Macatangay na humampas ang ulo ng biktima sa windshield ng behikulo na matinding ikinasugat nito at agarang ikinasawi.Nakapiit na ang suspek at mahaharap sa kaukulang kaso sa piskalya.
- Latest