11K pulis-Bicol kasado na sa 2025 elections

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Ngayon pa lang ay nakahanda na ang nasa 11-libong puwersa ng Police Regional Office 5 upang bantayan ang nalalapit na halalan sa Kabikolan lalo na ang natukoy na mga areas of concern.
Ayon kay PRO5 regional director Brig. Gen. Andre Perez Dizon, makakaasa ang Commission on Elections (Comelec) na buong pwersa ng kanyang mga tauhan, assets at logistics ang nakatalaga na upang siguraduhing magiging matahimik, maayos at malinis ang May 12 national at local elections sa buong rehiyon.
Tiniyak ito ni Dizon matapos ang ginawang “solidarity pact signing” sa pagitan ng Comelec, iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, non-govermental organizations (NGOs) at religious group sa loob ng Camp Gen. Simeon Ola kahapon.
Binigyang diin naman ni Philippine Coast Guard (PCG)-District Bicol commander Commodore Ivan Roldan, maliban sa 70 hanggang 80 na kasapi ng PCG na nakatalaga sa bawat PCG-stations ay bumuo sila ng composite team at nagpalabas pa ng karagdagang 800 katao at 49 K9 snipping dogs upang tumulong na magbantay sa mga seaports ng rehiyon.
Kilala umano ang mga pantalan ng Kabikolan na daanan ng mga iligal na kontrabando kaya maliban sa droga ay nakatutok na rin sila laban sa posibleng gun smuggling na magagamit upang guluhin ang halalan.
Nagpasalamat naman si Comelec regional director Atty. Maria Juana Valeza sa lahat ng lumagda sa “pledge of support”.
Sa Kabikolan, ang Masbate City at bayan ng Baleno sa lalawigan ng Masbate ang isinailalim sa red category; habang 37 bayan at lungsod mula sa mga lalawigan ng Albay; Camarines Sur; Camarines Norte; at Masbate ang isinailalim sa orange category.
- Latest