Mayor, 3 eskort timbog sa poll gun ban!
COTABATO CITY, Philippines — Agad inaresto ang appointed mayor ng Nabalawag municipality sa Bangsamoro region at tatlong escort nito na nakumpiskahan ng mga baril sa isang police-military gun ban checkpoint sa Sirawan sa Toril, Davao City nitong gabi ng Martes.
Kinumpirma ng mga opisyal ng Police Regional Office-11 nitong umaga ng Miyerkules na nasa kustodiya na ng Davao City Police Office si Anwar Saluwang, appointed mayor ng Nabalawag, isa sa walong bagong tatag na Bangsamoro municipality sa probinsya ng Cotabato sa Region 12, at ang kanyang tatlong security escorts.
Magkasama sa isang sasakyan sina Saluwang at mga bodyguards, patungo sa sentro ng Davao City, nang mapuna ng mga pulis at sundalo sa checkpoint sa Sirawan na sila ay may dalang mga baril.
Sa ulat ng Toril Police, walang maipakita ang mayor at mga kasama na “permit to carry firearms outside residence” at “exemption” sa gun ban na ipinatutupad ng Commission on Elections simula pa nitong Enero 12, na naglalayong maging mapayapa ang gagawing local at senatorial elections sa May 2025.
Nahaharap na sa kasong illegal possession of firearms at paglabag sa Comelec gun ban si Saluwang at tatlong escorts, ayon sa mga opisyal ng PRO-11.
- Latest