2,000 trabaho sa Taiwan, alok ng Cabanatuan
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Ilalapit ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan ang mahigit sa 2,000 na trabaho sa bansang Taiwan para sa mga mamamayan ng siyudad at karatig-lugar sa Nueva Ecija na nagnanais magtrabaho sa abroad.
Inaanyayahan ng lokal na pamahalaan ang mga interesadong residente na nais magtrabaho bilang factory worker sa Taiwan na lumahok sa isasagawang special recruitment activity sa Biyernes, Pebrero 7, na gaganapin sa covered court ng Cabanatuan City Hall.
Ayon kay City Public Employment Service Office (PESO) head Ronneil Sanopo, nakikipagtulungan ang pamahalaang lungsod sa Department of Migrant Workers (DMW) upang mabigyan ng oportunidad ang mga kababayan na magtrabaho abroad at upang makaiwas sa mga illegal recruitment.
Kamakailan lamang ay nakiisa ang pamahalaang lungsod ng Cabanatuan sa pagdaraos ng nationwide job fair, kaalinsabay sa pagdaraos ng Banatu Festival Job Fair, kung saan mahigit 2,000 trabaho ang iniaalok ng nasa 35 kumpanya na kasali sa aktibidad.
Pahayag ni Sanopo, bilang sentro ng komersyo sa buong lalawigan ng Nueva Ecija ay nananatiling in demand na trabaho sa lungsod ng Cabanatuan ang may kinalaman sa wholesale at retail. Bukas aniya ang opisina ng PESO Cabanatuan para sa mga nangangailangan ng tulong sa paghahanap ng trabaho.
Maaaring sumadya sa kanilang opisina sa Cabanatuan City Hall o kaya naman ay magpadala ng mensahe sa kanilang opisyal na social media page na Public Employment Service Office-Cabanatuan City at sa kanilang himpilan sa numerong 09190811300.
- Latest