2 patay sa salpukan ng motor at truck
COTABATO CITY, Philippines — Dalawa katao ang patay habang isa ang malubhang nasugatan sa banggaan ng isang motorsiklo at truck sa Barangay New Panay sa Aleosan, Cotabato nitong Martes.
Sa pahayag nitong Miyerkules ng mga local executives sa probinsya, agad na namatay ang motoristang si Benito Alcajero, 19, at ang 15-anyos na angkas na si Reggy Santos habang nagtamo ng matinding mga pasa at sugat sa katawan ang kanilang kasamang 13-anyos na si Gil Guzman sanhi ng naturang aksidente.
Ayon kay Col. Gilbert Tuzon, Cotabato Provincial Police Director, nawalan ng control si Alcajero ng minamanehong motorsiklo kaya ito nagawi sa kaliwang bahagi ng highway at nasapol ng kasalubong na delivery truck na minamaneho ng 40-anyos na si Garry Ado.
Kinumpirma ng mga saksi at mga barangay officials na ang pag-cut ng motorsiklo sa kabilang bahagi ng pakurbadang highway ang siyang dahilan ng aksidente.
Nasa kustodiya na ng Aleosan Municipal Police Station ang truck driver na si Ado.
- Latest