Sa bisperas ng Bagong Taon Seguridad sa Quezon province, pinaigting
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Mas pinaigting ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) ang kanilang seguridad at safety measures bilang bahagi ng paghahanda para sa ligtas at maayos na pagsalubong sa bagong taon na 2025.
Pinangunahan ni PCol. Ruben Lacuesta, provincial director ng QPPO, ang malawakang inspeksyon sa mga pamilihan, partikular sa mga tindahan ng paputok sa Lucena City, upang masigurong sumusunod ang mga ito sa mga regulasyon alinsunod sa RA 7183.
Ang nasabing batas ay naglalayong pangasiwaan ang pagbebenta, paggawa, distribusyon, at paggamit ng mga firecrackers at pyrotechnic devices.
Kaagapay sa inspeksyong ito ang Quezon Provincial at City Government Units, pati na rin ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, upang masigurong naipapatupad ang kampanya kontra ilegal na paputok na maaaring magdulot ng panganib sa kaligtasan ng publiko.
Ipinatupad na rin ng Quezon PNP ang intensified police visibility at assistance operations sa mga pangunahing lugar tulad ng mga pampublikong terminal, lugar ng convergence, at entry at exit points ng bawat bayan .
“Layunin ng Quezon Police na tiyakin ang kaligtasan ng bawat mamamayan, ang aming serbisyo publiko ay patuloy na magbibigay ng seguridad at proteksyon upang masiguro ang masaya at mapayapang pagdiriwang,” pahayag ni PD Lacuesta.
- Latest