P775 milyong shabu nasabat sa Cavite, 3 drug dealer timbog
CAVITE, Philippines — Umiskor ang mga operatiba PNP-Drug Enforcement Group (PDEG)-Calabarzon nang kanilang masabat ang may 114 kilong shabu o katumbas ng mahigit P775-milyon na ikinaaresto ng tatlong big-time drug dealers kabilang ang isang negosyante sa inilatag na magkasunod na buy-bust operation sa Imus City, dito sa lalawigan, kamakalawa ng gabi.
Ang unang operasyon ay inilatag ng pinagsanib na puwersa ng PDEG Special Operation Unit (SOU) 4-A sa pamumuno ni PLt. Mermel P. Avenilla, kasama ang PNP-DEG IFLD, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 4-A, PDEA-NCR, Regional Intelligence Unit (RIU)-4A at Imus City Police, dakong alas-6:26 ng gabi sa kahabaan ng Lavander St., Brgy. Pasong Buaya II, Imus City.
Sa unang buy-bust operation, naaresto ang mga suspek na kinilalang sina Larry Martin Didel, 37-anyos, mekaniko, at umano’y kasabwat nitong si Jan Rey Estrella, 26, motor shop owner; kapwa high value individual (HVI) target ng pulisya at kilala umanong mga big-time drug dealer at pusher sa Region 4-A (Calabarzon).
Isang poseur buyer ang nakabili sa mga suspek ng 1,000 gramo (1 kilo) ng shabu, at nasamsaman pa sila ng karagdagang 109 kilograms ng shabu. Nagkakahalaga lahat sa P748,000,000 ang nakumpiskang droga sa dalawang drug suspect.
Sinundan pa dakong alas-9:58 ng gabi ng nasabi ring araw ang buy-bust operation ng PDEG sa pangunguna ni PLt. Homer Guiamalon, katuwang ang SOU 4-A, PDEA at Imus City Police sa Brgy. Buhay na Tubig ng nasabi ring lungsod.
Nalambat din ng grupo si alyas “Adie”, isa ring HVI at kilala umanong big-time dealer at pusher ng droga sa nasabi ring lalawigan at nakumpiska sa kanya ang apat na transparent vacuum sealed plastic pack na naglalaman ng may 4-kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P27,200,000.
Bukod sa kabuuang P775.2-milyong halaga ng shabu na nakumpiska sa magkasunod na operasyon, narekober ng mga awtoridad ang 15 bundles ng tig-P1,000 na boodle money na ginamit sa buy-bust, mga cellphone ng mga suspek na gamit sa kanilang illegal na transaksyon at mga drug paraphernalia.
Ayon kay PDEG chief, Brig. Gen. Eleazar Matta, ilang araw ang ginawang surveillance sa lugar hanggang sa magpositibo ito saka ikinasa ang buy-bust operations. Aniya, gumamit ang mga operatiba ng body-worn cameras (BWC), kasama ang mga kinatawan ng barangay at media upang matiyak ang “transparency” sa operasyon.
- Latest