Reporter, 1 pa tepok sa sunog sa Zamboanga City
MANILA, Philippines — Dalawa katao ang nasawi kabilang ang isang reporter ng isang lokal na pahayagan nang makulong sa nasusunog na bahay kahapon ng madaling araw sa Brgy. Tetuan, Zamboanga City.
Kinilala ang mga biktimang sina Allen Abastilla, reporter ng Zamboanga Times at Jun Vicente kapwa residente ng Alfaro Drive, Alfaro St. ng nabanggit na barangay.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protections (BFP), nangyari ang sunog madaling araw nitong Martes.
Umabot sa ikatlong alarma ang nangyaring sunog na nagresulta naman sa pagkasawi ng mga biktima.
Dahil sa gawa sa light materials, mabilis na kumalat ang apoy at natupok ang nasa pitong kabahayan kabilang ang bahay ni Abastilla.
Natagpuan si Abastilla na sukbit ang kanyang backpack na hinihinalang nabagsakan ng nasusunog na kahoy dahilan upang tuluyan siyang ma-trap sa loob gayundin si Vicente na posibleng nabagsakan din ng ‘di pa matukoy na bagay habang kinukuha ang kanyang motorsiklo.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa sunog na ‘di pa batid ang kabuuang pinsala habang nagsasagawa na rin ng profiling at assessment ang CSWD para sa mga residente na nawalan ng tahanan.
- Latest