15 armas pandigma isinuko sa Army-6th ID
COTABATO CITY, Philippines — Karagdagang 15 pang armas pandigma ang isinuko ng mga residente ng Maguindanao del Sur sa Philippine Army bilang suporta sa isang inter-agency Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program kaugnay ng peace process ng pamahalaan at ng mga residente ng Bangsamoro region.
Ayon kay Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division (6th-ID), isinuko nitong Sabado ang naturang mga armas ng mga residente ng Talayan, Maguindanao del Sur sa pakiusap ng kanilang local government executives at ng mga opisyal ng 2nd Mechanized Battalion.
Ang naturang mga armas, kinabibilangan ng siyam na M79 grenade launchers, tatlong B-40 rocket launchers, dalawang 9 millimeter Uzi machine pistols, isang 9 millimeter KG-9 machine pistol, mga anti rockets at mga fragmentation grenades, ay isinuko ng mga may-ari kay Lt. Col. Jerome Peñalosa ng 2nd Mechanized Battalion at kay Brig. Gen. Oriel Pangcog, commander ng 601st Infantry Brigade.
Ang SALW Management Program ay magkatuwang na ipinapatupad ng 6tht ID, ng mga regional police commands sa Bangsamoro region at sa Region 12, at ng mga local government units sa mga probinsya ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Cotabato, Sultan Kudarat, South Cotabato, Sarangani at sa mga lungsod ng Cotabato, Tacurong, Koronadal at General Santos.
Mahigit 40 na massault rifles, M60 machine guns at 60 mm mortars ang isinuko ng mga residente ng naturang mga probinsya at mga lungsod mula nang ilunsad ng 6th ID ang multi-sector SALW Management Program nitong nakalipas na buwan.
- Latest